RIT Ang 14-anyos na estudyante na nahagip ng ligaw na bala

E-trike driver tigok sa ambush ng RIT; estudyante nahagip ng bala, kritikal

Edd Reyes Nov 5, 2026
142 Views

DEDO ang 22-anyos na e-trike driver habang nasa kritikal na kondisyon ang 14-anyos na binatilyong estudyante na tinamaan ng ligaw na bala sa nangyaring pamamaril Miyerkules ng gabi sa Malabon City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “John”, residente ng C. Plata St. Brgy. Tugatog sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang isinugod ng kanyang tiyahin sa Tondo Medical Center ang estudyanteng si alyas “Jr” matapos mahagip ng ligaw na bala sa ibabang bahagi ng kaliwang pisngi at kanang braso.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, papasada sana ng e-trike ang biktima para kumita ng panggastos sa kapapanganak na asawa nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo dakong alas-8:20 ng gabi sa kanto ng Mercurio at Aluminio Strets Brgy. Tugatog.

Nagkataong nasa naturang lugar din si alyas Jr kaya’t nahagip siya ng ligaw na bala.

Blangko pa ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission sa motibo ng pamamaslang lalu na’t inihayag ng ina ng biktima na si alyas “Marife” na wala silang alam na kaaway o anumang banta sa buhay ng kanyang anak.

Nirerebisa na ng mga imbestigador ang kuha ng mga CCTV sa lugar at sa tinahak na lansangan ng mga suspek upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan para sa agarang pagdakip.