Calendar
Source: NCRPO
7 pulis-MPD arestado dahil sa pekeng aresto, P50K kotong
PITONG miyembro ng Manila Police District (MPD) ang nahaharap ngayon sa matinding imbestigasyon matapos umano nilang arestuhin umano ang isang lalaki sa gawa-gawang kaso at manghingi ng ₱50,000 mula sa asawa nito kapalit ng kanyang pagpapalaya, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Anthony A. Aberin nitong Martes.
Ayon sa opisyal, ang pito ay inaresto na at sasampahan ng iba’t ibang kasong kriminal at administratibo.
“Ito ay alinsunod sa adbokasiya ng ating PNP Chief, General Nicolas D. Torre III, sa pagpapatupad ng pananagutan sa hanay ng kapulisan,” ani Maj. Gen. Aberin.
Sinabi ni Aberin na iniimbestigahan ang pito dahil sa umano’y pagkakasangkot sa robbery-extortion, grave threats, arbitrary detention, at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Presidential Decree 1829 o obstruction of justice.
Dakong alas-11 ng gabi noong Lunes, inaresto ng mga tauhan ng NCRPO Regional Intelligence Division at MPD ang pitong tauhan ng Drug Enforcement Unit ng MPD Station 5, batay sa reklamo ng isang pribadong mamamayan na isinumite lamang ilang oras bago ang operasyon. Sinundan ito ng agarang imbestigasyon at beripikasyon.
Kasama sa mga inaresto ang isang Lieutenant, tatlong Police Staff Sergeant, at tatlong Patrolman.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Aberin na inaresto nang walang batayan ang isang 49-anyos na lalaki noong Hunyo 20 ng mga akusado. Habang nasa kustodiya, humingi umano ng ₱50,000 ang mga pulis mula sa asawa ng biktima para palayain siya.
Bagamat ₱20,000 lang ang naipadala sa pamamagitan ng mobile transfer, pinalaya naman ang lalaki nang walang isinampang kaso. Nang malaman ng mga pulis na may formal complaint na, ibinalik nila ang pera—tila upang mapigilan ang legal na aksyon.
“Lalong pinagtibay ng kanilang pagbabalik ng pera ang mga alegasyon, kaya agad isinagawa ang operasyon ng pag-aresto,” ayon kay Aberin.
Nasamsam mula sa mga suspek ang kanilang mga cellphone na may screenshots ng digital transactions, usapan, at records ng remittance ng kanilang inutang na halaga, dagdag pa ng opisyal.
“Isinagawa ang mga pag-aresto matapos ang mabilisang beripikasyon ng mga ulat at reklamo na nagsiwalat ng kanilang iligal na aktibidad habang nasa tungkulin. Angkop na mga kaso na ngayon ay inihahanda laban sa mga sangkot na kasalukuyang nasa restrictive custody,” dagdag ni Aberin.
Binigyang-diin ni Maj. Gen. Aberin na ang mabilis na aksyon ay patunay sa pagtupad ng NCRPO sa adbokasiya ni Gen. Torre na tiyakin ang agaran at epektibong serbisyong pulisya.
“Ang agarang pag-aresto sa mga sangkot na PNP personnel ay repleksyon ng walang palyang pagpapatupad ng pananagutan sa hanay ng kapulisan. Mananatiling prayoridad ang internal cleansing upang matiyak na ang mga may disiplina, propesyonalismo, at integridad lamang ang mananatili sa serbisyo,” aniya.
Dagdag pa ni Aberin, sa ilalim ng polisiya ng PNP chief ukol sa police accountability, wala nang ikalawang pagkakataon para sa mga tiwaling pulis.
“Hindi papayagan ng NCRPO na sirain ng mga kriminal sa loob ng serbisyo ang integridad at dedikasyon ng mga matitinong alagad ng batas. Ang mga tiwaling pulis ay aarestuhin, ikukulong, kakasuhan, at tatanggalin sa serbisyo alinsunod sa due process of law,” giit niya.

