Suspek

7 suspek sa holdup sa Nueva Ecija grocery nakorner sa QC

280 Views

CAMP OLIVAS, Pampanga–Pitong suspek sa panghoholdap sa grocery store sa Brgy. Dampulan, Jaen, Nueva Ecija ang nahuli noong Lunes sa Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon, ang mga suspek na nakasakay sa L300 van ay sapilitang pinasok ang Alfamart grocery sa pamamagitan ng pagdistrungka sa roll-up lock.

Tinangay nila ang vault na naglalaman ng P82,600, assorted grocery items worth P12,000 at EC Pay kiosk.

“Immediately, flash alarm was issued. Continuous hot-pursuit operation, GPS and CCTV tracking were conducted that resulted in the recovery of the EC Pay kiosk in a grassy portion of the North Luzon Expressway (NLEX) Southbound at Brgy. Saog, Marilao, Bulacan on January 12, 2026 at about 8:45 a.m,” sabi ni Gen. Ponce Peñones, hepe ng Central Luzon police, sa kanyang report.

Nahuli ang mga holdaper sa Blk. 12, Lot 10, Tinagba St., Brgy. Greater, Lagro, Novaliches, Quezon City.

Ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina alyas Richard, Jay-R, John, Manolito, Susan at De Vera.

Ang mga suspek ay sangkot umano sa serye ng pagnanakaw sa Quezon City at Nueva Ecija at nadakma ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay QCPD Director P/Col. Randy Glenn Silvio, naaresto ang mga suspek sa kanilang pinagtataguan matapos matunton sa pamamagitan ng GPS ng cellphone na naiwan sa loob ng vault na kanilang tinangay mula sa convenience store sa Jaen.

Nakumpiska sa mga suspek ang Mitsubishi L300 van na gamit umano sa mga holdapan, samu’t saring alak at sigarilyo, hindi pa matukoy na halaga ng cash, isang shotgun, isang 9mm na baril, mga bala, at mga pakete ng hinihinalang shabu.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang grupo rin ang nasa likod ng panloloob sa dalawang gasolinahan sa Katipunan Avenue at Congressional Avenue noong Enero 2.

Patuloy ang follow-up operation ng QCPD laban sa iba pang kasabwat ng mga suspek na sinasabing bahagi ng mas malaking sindikato.

Iti-turnover ang mga naarestong suspek sa pulisya ng Jaen, Nueva Ecija, habang kakasuhan din sila ng hiwalay na mga kasong robbery sa Quezon City. May kasamang ulat ni CHRISTAN SUPNAD