70-anyos na basurero pinagbabaril sa ulo, dedo

114 Views

PALAISIPAN pa sa pulisya ang motibo sa pamamaslang sa isang 70-anyos na basurero na pinagbabaril sa ulo ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo habang nangangalakal sa Barangay Payatas, Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ang biktima na si alyas “Lolo Rodolfo,” 70, residente ng Lupang Pangako, Brgy. Payatas, Quezon City.

Sa ulat ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente dakong alas-5:31 ng umaga sa Legaspi St., Phase 1, Lupang Pangako.

Ayon sa report, nasa loob ng kanilang bahay ang isang saksi nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril. Paglabas nito ay tumambad ang biktima na nakahandusay at naliligo sa sariling dugo kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Rumesponde ang SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pamumuno ni P/Cpt. Vimaylene Tacazon at narekober sa lugar ang isang basyo ng bala mula sa 9mm na baril.

Lumabas sa pagsusuri ng SOCO na nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kanang sentido at likurang bahagi ng ulo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen at matunton ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga tumakas na salarin.