Calendar
Suspek sa illegal recruitment nadiskubreng may 24 iba pang kaso
NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang most wanted na suspek sa kasong syndicated illegal recruitment na nadiskubreng may 24 na may iba pang kasong kriminal, kabilang ang rape, estafa at paulit-ulit na paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act.
Kinilala ang inaresto na si alyas Maz, 40, na nadakip ng mga tauhan ng Project 4 Police Station (PS-8) sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Syndicated Illegal Recruitment (Economic Sabotage) na inilabas ng Regional Trial Court Branch 146 sa Makati City.
Ayon sa imbestigasyon, lumabas sa ISAV verification na bukod sa kasalukuyang kaso ay nahaharap din ang suspek sa kabuuang 24 na kasong kriminal, kabilang ang kasong rape noong Setyembre 2023, estafa at sunod-sunod na paglabag sa Republic Act No. 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipinos Act na isinampa mula Disyembre 2025 hanggang Hulyo 2026.
Pinuri ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang mga operatiba sa matagumpay na pagdakip sa akusado at muling nagbabala sa publiko laban sa mga illegal recruiter.
Hinikayat din nito ang mga aplikanteng nais magtrabaho sa ibang bansa na tiyaking lehitimo ang recruitment agency sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers bago tanggapin ang anumang alok na trabaho.
