NCRPO

70 parak napatawan ng kasong administratibo ng NCRPO Agosto hanggang Oktubre

Edd Reyes Oct 9, 2026
101 Views

UMABOT na sa 70 mga pulis ang napatawan ng kasong administratibo mula Agosto 23 hanggang Oktubre, ayon kay Officer-in-Charge si P/BGen. Christopher Abrahano ng National Capital Police Office (NCRPO).

Resulta ito ng pinaigting na kampanya ng NCRPO sa paglilinis sa kanilang hanay batay sa direktiba ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez na tiyaking mareresolba ang mga kasong administratibo at makamit ang zero backlog.

Kabilang sa mga kasong nagresulta sa pagkatiwalag sa serbisyo ng mga pulis ang Absence Without Official Leave (AWOL), paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, estafa at iba pa.

Ang mga napatawan ng suspensiyon ay ang mga lumabag sa unlawful arrest, discharge of firearms, dishonesty, negligence, at iba pang paglabag sa mga alituntunin at regulasyon ng PNP.

Binigyang-diin ni PBGen. Abrahano na ang kampanya sa paglilinis sa kanilang hanay ay hindi lamang nakatuon sa pagpapataw ng parusa kundi sa pagtitiyak na ang bawat pulis ay karapat-dapat magsuot ng uniporme at mapagkatiwalaan ng publiko.

Mahalagang bahagi ng epektibong pagpapatupad ng batas ang pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng pulisya, lalo na’t pinatitibay ng organisasyon ang tiwala ng publiko at pinabubuti ang paghahatid ng serbisyo publiko sa buong Metro Manila.

Inatasan ni BGen. Abrahano ang mga district director, chief of police, at unit commander na maging maagap sa pagtukoy sa mga tauhang maaaring sangkot sa misconduct at agad na magsagawa ng kaukulang aksyon kapag kinakailangan.

Patuloy na imo-monitor ng NCRPO ang kalagayan ng mga kasong administratibo upang matiyak na ang mga mekanismo sa pagdidisiplina ay nananatiling mabilis, patas, at malinaw, tungo sa pagpapanatili ng isang organisasyon na may pananagutan sa pamunuan ng PNP at sa sambayanang Pilipino.