Suspek

Bebot biniktima ng kapitbahay ng Akyat Bahay pala

Edd Reyes Oct 9, 2026
100 Views

TIMBOG ang isa sa dalawang kawatan na lumimas sa halos lahat ng gamit ng kanilang kapitbahay na lingguhan lang kung umuwi ng bahay Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.

Natuklasan lang ng biktimang si alyas “Anne”, 42, na nasimot na ang halos lahat ng gamit sa kanyang bahay sa Aracity St. Brgy. Tinajeros nang umuwi siya ng ala-1:00 ng Biyernes ng madaling araw mula sa inuupahang tirahan sa Paranaque City kung saan siya nagta-trabaho at nagulat nang makitang sira na ang door knob at puwersahang binuksan ang pintuan ng kanyang bahay.

Kaagad na nagsumbong si alyas Anne sa mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission nang madiskubre na wala na ang kanyang mga alahas, damit, sapatos, bag, television, welding machine, tangke ng LPG, mga kasirola, stainless na shower at gripo, tsinelas, at maging mga switch ng ilaw, light décors, na may tinatayang kabuuang halagang P196,750.00.

Nang rebisahin nina P/MSg. Diego Ngipol, MSg. Ernie Baroy, at P/SSg. John Francisco, may hawak ng kaso, ang mga kuha ng CCTV sa lugar, katuwang ang testigong si alyas “Rose” na kapitbahay din ng biktima, nakilala ang dalawa na residente rin sa kanilang lugar habang inilalabas ang mga ninenok na gamit ng biktima.

Kaagad namang nagtungo sa bahay ng mga suspek sa Aracity St. sina P/SSg Denes Dela Cruz at Pat. Leonardo Reylana, kasama ang iba pang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2, na nagresulta sa pagkakadakip kay alyas “Ferdinand”, 57, habang nakatakas naman si alyas “Bryan”, 30, nang matunugan ang paparating na mga pulis.

Nabawi sa nadakip na suspek ang P8,000 na halaga ng relos, dalawang shower heater, light décor, at electric kettle na may kabuuang halagang P30,250.00 habang tinutugis pa si alyas Bryan para hanapin ang iba pang hindi pa nababawing gamit ng biktima, kabilang ang anim na mamahaling relos.