Arestado

3 ‘nagpaihi’ ‘naarinola’

94 Views

ARESTADO ang tatlong lalaki dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng mga produktong petrolyo (paihi) sa Quezon City noong Miyerkules.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) acting director P/BGen Christopher Olazo ang mga nasukol na suspek na sina alyas Erwin, 58; Nori, 28; at Ariel, 42.

Batay sa ulat, alas-12:55 ng tanghali noong Oktubre 7 nang magsagawa ng entrapment ang mga operatiba ng QCPD sa Makaturing St., Brgy. Manresa ng mga natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na bentahan ng mga produktong petrolyo sa lugar.

Nagpanggap na mamimili ang mga operatiba at bumili ng petrolyo mula sa mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlo.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang hose, apat na lalagyan at walong transparent na lalagyan na may lamang petrolyo, isang embudo, P3,736 na hinihinalang kinita sa bentahan, dalawang susi ng trak, isang Isuzu Elf truck at P1,000 marked money.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 na isasampa sa tatlong suspek.