Job

7K trabaho inalok sa Malabon job fair

Edd Reyes Jan 24, 2026
187 Views

APATNAPUNG kompanya na nag-aalok ng 7,000 trabaho ang sumali sa unang mega job fair and livelihood skills training ngayong 2026 ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at Trabaho Partylist noong Sabado sa Malabon City square.

Kabilang ang mga gustong maging seaman na alok ng United Philippine Lines ang mga trabahong pwede makuha sa job fair.

“Pagpasok pa lamang po ng Enero pinagtuunan na po natin ang mabigyan ng oportunidad ang mga naghahanap ng trabaho para mas mapaunlad ang pamumuhay nila at ng kanilang pamilya,” pahayag ni Mayor Jeannie.

Ayon sa Public Employment Service Office (PESO), may mga trabaho gaya ng brand ambassadors, machine operators, clerks, production workers, engineers, electricians, helpers, customer service representatives, drivers, delivery crews, merchandisers, nurse, encoders at iba pa sa job fair.

Mayroon ding one-stop-shop para sa mga kukuha ng mga dokumento sa Philippine Statistics Authority, Philhealth, Pag-Ibig, Social Security System, Philippine National Police, Land Transportation Office, Department of Labor and Employment at iba pang sangay ng pamahalaan.

Nagkaloob din ng skills at livelihood training para sa mga gusto matutong gumawa ng dishwashing liquid, maging aircon maintenance, at hydrophonics upang madali silang matanggap sa pag-aaply ng nais na trabaho.

“Bagong taon, bagong pag-asa para sa mga kababayan nating nagnanais na mapabuti ang kanilang pamumuhay. Hindi lang natin sila binibigyan ng pagkakataong makapag-apply sa trabaho, kundi ay inihahanda rin natin sila na nagkaroon ng kakayahan para sa kanilang pagkakakitaan,” sabi ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.