Patay

8-anyos na babae pinatay sa sakal ng 13-anyos na lalaki

425 Views

BANGKAY na nang matagpuan ang 8-anyos na batang babae sa isang bakanteng lote sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang 13-anyos na batang lalaki na diumano ay umamin na napatay niya sa sakal ang biktima.

Batay sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng hapon ng Agosto 3 nang matagpuan ang bangkay ng 8-anyos na batang babae sa bakanteng lote sa Balbuenna Compound, Barangay Sta. Lucia sa lungsod.

Nakita sa tabi ng bangkay ang kaniyang underwear at short pants at isang patalim.

Sa imbestigasyon ni P/SSg. Angel T. Pascasio III, nitong Sabado bandang alas-2 ng hapon huling nakita ng kaniyang mga magulang na naglalaro pa ito ‘di kalayuan sa kanilang tahanan.

Bandang alas-8 ng gabi nang mapansin ng mga magulang na hindi pa umuuwi ang biktima kaya hinanap nila ito.

Matapos ang ilang oras ng paghahanap at nang di makita ang biktima ay agad na nila itong inireport sa kanilang barangay officials at sa pulisya.

Nagtulong-tulong na sa paghahanap ang mga tanod at mga pulis hanggang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bakantemg lote sa nasabing lugar.

Sa CCTV, nakitang huling kasama ng biktima ang suspek na agad namang umamin na siya ang may kagagawan ng krimen, subalit hinala ng mga awtoridad na may kasama pa itong iba.

Patuloy ang imbestigasyon at inaalam pa kung pinagsamantalahan ang biktima.