Calendar
Ang mga nakahandusay na biktima ng pagsabog bago dinala sa pagamutan, habang sinisiyasat ng mga operatiba ng Explosive Ordnance Division ang lugar na pinangyarihan ng pagsabog sa Tayuman corner Dagupan streets, Tondo, Manila, kung saan apat na katao ang sugatan at tatlo dito ang kritikal.
Kuha ni JON-JON REYES
Mangangalakal nakapulot ng kumpresor ng aircon, binuksan, sumabog!
TATLONG katao ang kritikal at isa ang sugatan sa pagsabog ng isa umanong kumpresor matapos itong buksan ng mga biktima na nangangalakal, Linggo ng hapon sa kanto ng kalye Tayuman at Dagupan, Tondo, Manila.
Agad na naisugod ang mga biktima sa Jose Reyes Medical Center ng mga rumespondeng ambulansiya, matapos ang pagsabog na ikinasugat ng apat na biktima na pawang mga taga Aroma sa Tondo.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, pasado alas-3 ng hapon nang may sumabog mula sa bangketa sa kahabaan ng kalye Tayuman, kung saan kinakalikot ng mga biktima ang napulot nilang compressor.
Isa sa mga biktima ay edad 18-anyos na naputulan ng kamay bunsod ng pagsabog.
Agad namang rumesponde ang mga pulis mula sa Manila Police District at Special Weapons and Tactics, at ang mga operatiba mula sa Explosive Ordnance Division at Scene of Crime Operatives para i-secure ang lugar at magsagawa ng imbestigasyon.
Inayos din ng Manila Traffic and Parking Bureau ang daloy ng trapiko.
Kasalukuyang inoobserbahan ang mga bikitma na umano’y kritikal, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan sa pagsabog.

