Belmonte

Belmonte ipinag-utos na buwagin Task Force Disiplina

28 Views

IPINAG-UTOS ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbuwag sa Task Force Disiplina, epektibo ngayong Martes, at ang pagbabalik ng lahat ng miyembro nito sa kanilang mother unit na Department of Public Order and Safety (DPOS).

Sa ilalim ng direktiba, wala nang awtorisadong operasyon o pagroronda ang mga tauhan ng naturang task force.

Bago muling maitalaga sa DPOS, kailangang sumailalim ang bawat miyembro sa background check, neuropsychological examination at drug test, gayundin sa pagsusumite ng NBI at police clearance.

Nilinaw ng lokal na pamahalaan na hindi pinagkakalooban ng baril ang mga miyembro ng Task Force Disiplina. Tanging mga pulis sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod ang awtorisadong magdala ng armas.

Inatasan din ni Belmonte ang Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni P/BGen. Christopher Olazo, na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril.

Hinimok ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung may makitang nakaunipormeng miyembro ng Task Force Disiplina na patuloy na nagroronda sa kanilang barangay.

Maaari ring iulat ang anumang impormasyon tungkol sa mga sibilyang nagdadala o nagtatago ng hinihinalang ilegal na baril.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na prayoridad nito ang kaligtasan ng mga mamamayan at walang puwang sa serbisyo publiko ang sinumang lumalabag sa mga itinakdang patakaran.

Samantala, wala umanong pagsisisi ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa tatlong binatilyo sa Quezon City nitong Lunes at iginiit pang nararapat lamang sa mga biktima ang sinapit ng mga ito dahil sa paglabag umano sa curfew.

Sa halip na humingi ng tawad, ipinagtanggol pa ng suspek ang kaniyang ginawa at sinabing nakabuti pa umano sa publiko ang pag-alis sa mga tinawag niyang salot sa lipunan.

Nang tanungin kung inaamin niya ang krimen, sinabi ng suspek na korte na ang magpapasya kung siya ang may sala batay sa mga ebidensiya.

Sumailalim ang suspek sa inquest proceedings sa tanggapan ng city prosecutor kahapon, kung saan nahaharap siya sa tatlong bilang ng kasong murder.