Ambush

Kolektor inambush habang naniningil sa mga jeepney driver ng pautang, tegi

37 Views

PATAY ang isang 44-anyos na kolektor ng pautang matapos pagbabarilin ng naka-motorsiklong suspek habang naniningil sa mga jeepney driver sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Lacaba,” residente ng Oliveros Drive, Barangay Apolonio Samson, Quezon City.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang pamamaril dakong alas-3:45 ng hapon noong Oktubre 11, sa ilalim ng footbridge sa EDSA kanto ng Oliveros Drive.

Batay sa imbestigasyon ni P/MSg Robert Rainer Abundo, naniningil ng bayad ang biktima sa mga driver ng pampasaherong jeepney nang dumating ang suspek sakay ng motorsiklo.

Bumaba ang suspek, nilapitan ang biktima at sunod-sunod na pinaputukan bago mabilis na tumakas.

Isinugod ang biktima sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa maraming tama ng bala sa katawan.

Narekober ng SOCO team ng QCPD Forensic Unit, sa pamumuno ni P/CMS Federico Manzano, ang apat na basyo ng bala ng kalibreng .45 sa pinangyarihan ng krimen.