QCPD

Babae nagreklamo sa paghinto ng serbisyo sa QCPD police clearance dahil sa b-day celebration

22 Views

PANSAMANTALANG inalis sa puwesto ang hepe ng Police Clearance Section ng Quezon City Police District (QCPD) habang iniimbestigahan ang viral social media post hinggil sa umano’y pagkaantala ng serbisyo ng police clearance sa Quezon City Hall noong Oktubre 12.

Sa pahayag ng QCPD nitong Miyerkules, Oktubre 14, tiniyak nito ang patas na imbestigasyon upang matukoy ang tunay na pangyayari sa likod ng viral social media post.

Ang tinutukoy na viral social media post ay ang reklamo ng isang babae tungkol sa umano’y pagtigil ng serbisyo sa Police Clearance Section ng Quezon City Hall habang nagdiriwang ng kaarawan ang ilang empleyado.

Batay umano sa paunang beripikasyon at mga rekord ng transaksyon, nagpatuloy ang pagproseso ng police clearance dahil sa ipinatutupad na alternate lunch-break arrangement upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Alinsunod ito sa Republic Act 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007, na inamyendahan ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Binigyang-diin ng QCPD na administratibong hakbang lamang ang pansamantalang paglilipat sa hepe ng seksiyon at hindi ito nangangahulugang napatunayan na ang anumang pagkakasala.

Tiniyak din ng pulisya na pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas at umiiral na mga regulasyon, alinsunod sa due process.

Hinimok naman ng QCPD ang nagreklamo na magsumite ng pormal na reklamo at kaugnay na ebidensiya upang makatulong sa imbestigasyon.