Chiz1

2 artikulo vs VP sara hindi na maaaring ihain muli — Impeachment court

49 Views

PINAYAGAN ng Senate impeachment court nitong Martes ang House prosecutors na bawiin ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Gayunman, hindi na maaaring ihain muli ang dalawa sa mga ito habang nasa puwesto pa siya.

Sa extended ruling na binasa sa ika-39 na araw ng paglilitis, idineklara ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na binawi “with prejudice” ang Article 1 sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at ang Article 4 sa umano’y assassination plot, grave threats at inciting to sedition.

Ibig sabihin nito, hindi na maaaring buhayin sa paglilitis na ito, ihain muli o ipadala muli laban kay Duterte ang dalawang artikulo sa kasalukuyan niyang termino at sa 20th Congress. Saklaw nito ang anumang artikulong nakabatay sa parehong alegasyon, kahit iba na ang pagkakasulat o iba na ang mga prosecutor.

“Having elected to withdraw the articles after resting its case, the prosecution must therefore accept the legal consequences of that withdrawal,” ani Escudero.

“The House of Representatives may not treat the impeachment process as a mere opportunity to file, withdraw, and subsequently revive substantially the same constitutional accusations at will,” dagdag niya.

“Congress must never be light-handed or nonchalant in initiating and prosecuting Articles of Impeachment,” wika pa ng presiding officer.

Nilinaw ni Escudero na sa impeachment lamang may bisa ang pagbabawal. Aniya, hindi ito nagbibigay ng immunity at hindi nito hinahadlangan ang anumang kasong kriminal, sibil, administratibo o iba pang paglilitis kaugnay ng parehong mga kilos.

Binawi naman “without prejudice” ang Article 3 sa umano’y bribery at korapsiyon sa Department of Education, dahil walang ebidensiyang iniharap dito ang prosekusyon. Hindi na ito maaaring buhayin sa kasalukuyang paglilitis, pero hindi ito saklaw ng pagbabawal na ipinataw sa Article 1 at 4.

Hindi na pagbobotohan at hindi na rin hahatulan ang tatlong artikulo, alinsunod sa precedent sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.

Pormal nang tinapos ng prosekusyon ang paghaharap nito ng ebidensiya. Kinumpirma rin nitong hindi na ito aasa sa mga naunang ebidensiya para sa mga binawing artikulo.

Hindi na kailangang magharap ng ebidensiya ang depensa laban sa mga binawing artikulo. Sa Article 2 sa umano’y unexplained wealth na lamang nakatuon ang ihaharap nito, bagama’t maaari nitong gamitin ang mga ebidensiyang nasa rekord na kung may kaugnayan at katanggap-tanggap ito sa Article 2.

Ayon kay Escudero, hindi kusang nabubura ng manipestasyon ng prosekusyon ang mga artikulo dahil nasa Senado ang tanging kapangyarihang litisin ang impeachment. Aniya, isa lamang itong kahilingan na kailangang aprubahan ng korte.

Binanggit din niya ang karapatan ng respondent at ng publiko sa mabilis na pagdinig ng kaso. Hindi na aniya dapat gumugol pa ng oras at rekurso ang Bise Presidente sa pagtatanggol laban sa mga kasong tinalikuran na ng prosekusyon.

Niluwagan din ng korte ang Rule 18, na nagbabawal sa mga partido na magkomento sa publiko tungkol sa merito ng mga usaping nakabinbin pa. Maaari nang magsalita sa publiko ang magkabilang panig tungkol sa tatlong binawing artikulo, at maaari nang sagutin ng Bise Presidente ang mga paratang at ipagtanggol ang kanyang pangalan.

Hindi saklaw ng pagluluwag ang Article 2. Hindi rin pinapayagan ang paglalabas ng mga ebidensiyang protektado ng privilege, privacy o secrecy laws.

Mananatili sa rekord ng korte ang lahat ng dokumento at ebidensiya kaugnay ng mga binawing artikulo. Maaari ring limitahan ng korte ang paglalabas online ng mga exhibit na may sensitibong impormasyon.

Mariing tinutulan ni defense lead counsel Atty. Sheila Sison ang pagluluwag sa Rule 18. Aniya, magbubukas ito ng “a free for all type of accusing the respondent anywhere and everywhere” habang nagpapatuloy pa ang paglilitis.

Ayon kay Sison, mahalaga ang sub judice rule para mapanatili ang integridad ng proseso. Hindi rin aniya ito dapat iwaksi sa gitna ng paglilitis, bago pa makapagharap ng ebidensiya ang Bise Presidente.

Bago basahin ang pasya, sinabi ni Escudero na sang-ayon siya sa ilang puntong inilatag ni Senator-judge Alan Peter Cayetano at ng mga abogado ng magkabilang panig. Gayunman, aniya, kailangang ibatay ng korte ang pasya sa precedent at umiiral na jurisprudence.

Umaasa rin si Escudero na pag-aaralan ng mga susunod na impeachment court ang salitan at kada artikulong paghaharap ng ebidensiya ng prosekusyon at depensa, upang maiwasan ang ganitong sitwasyon.

Ipinaliwanag naman ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na hango ang mungkahi niyang “other platforms” sa umano’y “regular practice of the respondent herself” na magsalita tungkol sa paglilitis sa mga presscon sa halip na personal na humarap sa korte.

yon kay Escudero, ito na ang huling araw ng paglilitis bago ang recess. Susunod nang magharap ng ebidensiya ang depensa para sa Article 2, alinsunod sa itinakdang iskedyul at matapos resolbahin ng korte ang formal offer of documentary and object evidence ng prosekusyon.