Calendar
3 sa 4 na sakdal vs VP Sara pinalagpas; tagong yaman itutuloy
INANUNSYO ng prosekusyon team ng Kamara de Representantes na hindi na itutuloy ang tatlo sa apat na sakdal sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at magpapatuloy na lang sa kasong may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Ipinaalam ni House lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na hindi na itutuloy ng prosekusyon ang Article I na may kaugnayan sa confidential funds, Article III hinggil sa panunuhol at Article IV tungkol sa mga pagbabanta.
“Today, the prosecution respectfully manifests that it will no longer pursue three of them. It will stand on one, and that is Article II on unexplained wealth,” pahayag ni Luistro.
Ayon kay Luistro, naniniwala ang prosekusyon na sapat na ang mga ebidensyang iniharap kaugnay ng Article II upang mapatunayang may pananagutan si Duterte at maalis siya sa puwesto.
“We believe that evidence is substantial and compelling, and warrants the respondent’s removal from office for culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust,” dagdag ni Luistro.
Saklaw ng Article II ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, mga paglabag na may kaugnayan sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.
Ayon sa prosekusyon, sapat ang mga ebidensyang iniharap upang suportahan ang mga paratang na ito.
Ang naging pasya ng prosekusyon ay kasunod ng ilang linggong pagdinig kung saan tumestigo ang mga opisyal ng pamahalaan, mga kinatawan ng mga bangko at kumpanya ng seguro at isang eksperto sa forensic accounting tungkol sa mga rekord pinansiyal, ari-arian, at interes sa negosyo ni Duterte.
Ipinaliwanag ni Luistro na ang pagtutuon sa Article II ay makatutulong upang mabawasan ang mga usaping kailangang suriin at pagpasiyahan ng impeachment court, kabilang ang mga dokumentaryong ebidensya at mga pagtutol ng panig ng depensa.
“In the prosecution’s assessment, concentrating on this article is the most judicious course, consistent with the evidence and our duty to the nation,” pahayag pa nito.
Bilang batayan, binanggit ni Luistro ang impeachment trial ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, kung saan umatras din ang prosekusyon sa ilang artikulo ng impeachment at nagpatuloy sa mga natitirang sakdal.
Ayon sa kanya, kinikilala ng naturang naunang kaso ang kapangyarihan ng prosekusyon na magpasya kung aling mga artikulo ng impeachment ang itutuloy nito.
Sa kabila ng pag-atras sa tatlong sakdal, nanindigan ang prosekusyon na sapat ang mga ebidensyang iniharap nito upang suportahan ang natitirang kaso laban kay Duterte.

