Calendar
32 saksi sa impeachment trial ni VP Sara ‘di na ipapatawag–House prosecution
NAGPASYA ang prosekusyon team ng House of Representatives na hindi na ipatawag ang nasa 32 saksi sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang ituon ang paglilitis sa sakdal na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente at kanyang asawa, ayon kay House lead prosecutor Gerville Luistro.
“Sa kabuuan, humigit-kumulang 32 saksi ang hindi na ipapatawag upang tumestigo,” pahayag ni Luistro sa Senado.
Resulta ng maingat na pagpapasya ng prosekusyon na ituon ang kaso sa mga saksi na talagang kinakailangan upang patunayan ang bawat sakdal na itutuloy nito.
Ayon kay Luistro, una nang naglista ang prosekusyon ng 10 saksi para sa kasong may kaugnayan sa mga seryosong pagbabanta, ngunit tatlo lamang ang nakaharap sa pagdinig.
Sa usapin ng confidential funds, 11 lamang sa 27 saksi na nakalista ang naiharap ng prosekusyon.
Sa sakdal na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, 11 sa 15 nakalistang saksi ang naiharap at hindi kabilang ang mga indibidwal na kinatawan ng mga bangko at insurance firms.
Nagpasya rin ang prosekusyon na hindi na iharap ang lima nitong orihinal na nakalistang saksi para sa kasong may kaugnayan sa panunuhol.
Aang Article II na lamang ang itutuloy laban kay Duterte na saklaw ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa mga kinakailangan sa pagsisiwalat ng mga ari-arian, pananagutan at pagkakautang at pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.
Ipinaliwanag ni Luistro na ang paglilimita sa sakdal ay makababawas sa dami ng mga dokumentong kailangang suriin, gayundin sa mga pagtutol at argumentong kailangang pagpasiyahan ng impeachment court.
“Sa pagtutuon sa isang artikulo, nababawasan din ang mga usaping kailangang isaalang-alang ng impeachment court,” ayon kay Luistro.
Hindi pa pormal na iniharap ng prosekusyon ang lahat ng dokumentaryong ebidensya nito.
Inaasahang magkakaroon pa ng pagkakataon ang panig ng depensa na suriin at kuwestiyunin ang mga dokumentong gagamitin ng prosekusyon upang patunayan ang natitirang sakdal.
Sa ngayon, nakatuon ang paglilitis sa pagtukoy kung sapat ang mga ebidensiyang maihaharap upang patunayan ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa bise presidente.

