Calendar
Nagbigay ng press briefing si Sen. JV Ejercito sa mga mamamahayag ng Senado nitong Oktobre 14, 2026.
JOSEPH MUEGO
Ejercito nag-alala sa P9.5B tapyas sa calamity fund dahil sa Super El Nino
TINAPYASAN ng P130 bilyon ang foreign-assisted projects at P9.5 bilyon ang calamity fund sa bersyon ng Kamara ng panukalang P7.2-trilyong 2027 national budget, ayon kay Senate Committee on Finance chair Sen. JV Ejercito nitong Miyerkules.
“So ito yung budget na hindi naman natin tatanggapin as is,” ani Ejercito.
Inisyal na pagsusuri pa lamang ang mga numerong inilatag niya, dahil Martes lamang natanggap ng Senado ang House-approved General Appropriations Bill. Naipamahagi na ang mga kopya sa mga senador at sa mga kinauukulang tanggapan nitong Miyerkoles ng umaga.
Inaprubahan umano ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10858 noong Lunes, Oktubre 12, sa botong 281-13-1.
Nag-aalala ang senador sa bawas sa calamity fund dahil sa Super El Niño na inaasahan umano mula sa katapusan ng taon hanggang sa unang bahagi ng 2027. Pag-aaralan din daw ng Senado kung inilipat ang bahagi ng calamity fund sa isang bagong P10-bilyong item para sa mga magsasaka at mangingisda.
Binanggit din ni Ejercito ang P40.4 bilyong bawas sa Department of Transportation. Karamihan dito ay foreign-assisted programs na pinopondohan ng utang mula sa Asian Development Bank at Japan International Cooperation Agency.
“And the more we delay, lalo po mas magiging mahal sa atin,” wika niya. Ipinaliwanag niyang may commitment fees na babayaran ang gobyerno kapag naantala ang mga proyekto.
“Tayo pinagkatiwalaan ng Japan, ng JICA, ng ADB, pinautang tayo para sa ating infrastructure projects,” dagdag niya.
Sa kalusugan, nabawasan umano ng humigit-kumulang P4 bilyon ang immunization program at P2 bilyon ang health promotion. Binawasan din ang Health Facilities Enhancement Program na pumopondo sa pagpapaayos ng mga ospital at pagbili ng medical equipment, habang lumaki ang medical assistance, ayon sa senador.
Nasa P4.45 bilyon umano ang ibinawas sa HFEP, habang humigit-kumulang P24 bilyon naman ang idinagdag sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients.
“Okay lang yung medical assistance pero dapat hindi natin kakalimutan yung capacity building at yung pagpapalakas ng health program mismo at ng sistema,” aniya.
Lumaki rin ang pondo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD). Ayon kay Ejercito, baka bilang paghahanda ito sa El Niño o sa kasalukuyang krisis.
Sa Department of Public Works and Highways, nabawasan ng P2.6 bilyon ang right-of-way at P4.6 bilyon ang flood mitigation sa major river basins, sabi ng senador. Nadagdagan naman ng P13 bilyon ang construction, maintenance, rehabilitation at widening, at P8.04 bilyon ang iba pang flood mitigation structures.
Itatanong daw ng Senado sa DPWH kung ano ang mga bagong flood mitigation structures. Sa inisyal na impormasyon, baka sabo dams ang mga ito, o mga istrukturang humaharang sa putik at debris na bumababa mula sa kabundukan.
“Walang mga bagong projects. Dapat yung mga incomplete, kompletuhin,” sabi ni Ejercito.
Papayagan lamang daw ang flood control projects sa 18 major river basins at sa nangungunang 10 flood-prone areas sa bansa.
“Lalo sa mga lump sums hindi tayo papayag na walang detalye,” aniya.
Ayon kay Ejercito, sa Oktubre 23 ang deadline ng mga subcommittee report. Makikipagpulong ang komite sa civil society organizations, academe at watchdogs sa Oktubre 25 hanggang 26, bago buuin ang committee report sa panahon ng break.
Target umano ng Senado na tapusin sa loob ng dalawang linggo ang plenary debates pagbalik ng sesyon sa Nobyembre, at maaprubahan ang budget pagsapit ng ikalawang linggo ng Disyembre. Umaasa si Ejercito na mapipirmahan ito ng Pangulo bago ang Christmas break.
Sa legislative calendar, magbabalik umano ang sesyon sa Nobyembre 9 at tatagal hanggang Disyembre 18.

