Airforce

US Air Force instructor bumagsak habang nagsasagawa ng rappig demo, dedo

68 Views

NASAWI ang isang instructor ng United States Air Force matapos masugatan nang malubha sa isang rappelling demonstration sa loob ng Alamodome stadium sa San Antonio, Texas, noong Oktubre 17.

Kinilala ng U.S. Air Force ang nasawing sundalo na si Tech. Sgt. Ian Patterson, isang Tactical Air Control Party (TACP) instructor na nakatalaga sa 6th Combat Training Squadron, Detachment 2 sa Joint Base San Antonio, Texas. Nagmula siya sa Fort Stewart, Georgia, at nagsilbi sa militar sa loob ng 15 taon.

Naganap ang insidente bago ang laban ng University of Texas at San Antonio at Navy bilang bahagi ng paggunita sa mga sundalo at beterano.

Kasama si Patterson sa apat na military personnel na nagsagawa ng rappelling demonstration mula sa kisame ng stadium. Matapos ang pagbagsak, agad siyang binigyan ng paunang lunas sa playing field at isinugod sa isang ospital, ngunit kalaunan ay idineklarang nasawi.

Batay sa video ng insidente na kumalat sa social media, mabilis umanong bumaba si Patterson gamit ang lubid bago tumama sa sahig. Gayunman, hindi pa malinaw ang eksaktong dahilan ng aksidente at patuloy itong iniimbestigahan ng Air Force.

Ayon sa tagapagsalita ng 57th Wing, kailangang mapanatili ang pagiging patas at integridad ng imbestigasyon kaya hindi muna sila makapagbibigay ng detalye tungkol sa insidente. Hindi rin malinaw kung nakapagsagawa ng ensayo si Patterson sa kisame ng stadium bago ang aktuwal na demonstrasyon.

Bago ang insidente, kinilala na si Patterson sa kanyang natatanging serbisyo. Noong 2022, ginawaran siya bilang Air Force Special Warfare Enlisted Instructor of the Year sa antas ng Headquarters Air Force. Kabilang din sa kanyang mga parangal ang Air and Space Commendation Medal na may tatlong oak leaf cluster, gayundin ang Army Commendation Medal, Air and Space Achievement Medal at Army Achievement Medal na may tig-isang oak leaf cluster.

Sa pahayag na inilabas ng Air Force nitong Oktubre 18, nagpahayag ng pagdadalamhati si Brig. Gen. Scott C. Mills, commander ng 57th Wing, sa pagpanaw ng instructor.

“This tragedy is felt deeply across the 57th Wing,” ani Mills. “Tech. Sgt. Patterson and his service mattered immensely to our wing, and to the family, friends, and teammates who had the privilege of knowing and serving alongside him.”

Ayon pa kay Mills, nakatuon ngayon ang kanilang hanay sa pagsuporta sa pamilya, mga mahal sa buhay at mga kasamahang sundalo ni Patterson habang hinaharap ang kanilang pagkawala.