OFW

Kalagayan ng 3 OFWs na nasugatan sa pagsabog sa Saudi bumubuti lagay

Jun I Legaspi Oct 20, 2026
64 Views

PATULOY ang pagbuti ng kalagayan ng tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na nasugatan sa pagsabog sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia noong Oktubre 10.

Ayon kay Labor Attaché Dominador Salanga, nailipat na sa regular ward ng burn unit ng isang government hospital ang isa sa 3 biktima.

Ang ikalawa na nasa ICU ay maaring ilipat na rin sa regular ward.

Isa na lamang ang nasa ICU subalit bumuti na ang kalagayan, conscious at nasa 15/15 ang Glasgow index.

Inaasahan na maari na ring ilipat sa regular ward and dalawang pasyente at patuloy na bumuti ang kanilang kalagayan.

Nakatakdang bumisita sa Saudi Arabia si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, kasama ang ilang opisyal at tauhan ng kagawaran, upang personal na dalawin ang mga nasugatang OFW.

Isasagawa ang pagbisita sa ilalim ng One-Country Team Approach, sa pangunguna ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamammagitan ng Philippine Embassy at Konsulado.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa Saudi Arabia.

Personal na aalamin ng DMW ang kalagayan ng mga nasugatan at ang tulong na kakailangan pa nila.