Calendar
PH Embassy sa mga Pinoy sa US: Non-citizens di pwedeng bumoto
WASHINGTON, D.C.— Matinding babala ang ibinaba ng Embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos para sa lahat ng mga kababayan nating nagtatrabaho at naninirahan dito kaugnay ng nalalapit na U.S. Midterm Elections sa Nobyembre 3, 2026.
Hindi biro ang batas! Ayon sa Embahada, US citizens lang ang may karapatang bumoto sa mga pederal, estado, at maging sa karamihan ng mga lokal na halalan sa Amerika.
Nilinaw din ng Embahada na ang pagtanggap ng voter registration forms, mga sobre o balota sa koreo, o kaya’y ang simpleng alok habang kumukuha ka ng driver’s license ay hindi katunayang kwalipikado kang bumoto kung hindi ka pa ganap na mamamayang Amerikano o American Citizen.
Ang pagboto ng mga non-citizens ay may bitbit na mabibigat na parusa: kasong kriminal at pagkakulong, deportasyon o pagpapautos pabalik ng Pilipinas, pagbasura sa mga nakabinbing aplikasyon para sa US citizenship
Binigyang-diin pa ng Embahada na kahit sabihin pang matagal na itong nangyari o hindi mo alam na bawal, hahabulin ka pa rin ng batas.
Sa mga kababayan nating baka nakapagparehistro o nakaboto na noon nang hindi pa US citizen, huwag magpapanic pero mag-ingat.
Mahigpit na ipinapayo ng Embahada na kumunsulta muna sa isang eksperto o kwalipikadong immigration lawyer bago mag-apply ng naturalization, magpa-cancel ng voter registration, o bumiyahe palabas ng Amerika.
Magingat, mga Katropa! Huwag hayaang ang simpleng pakikisali ay maging mitsa ng pagkasira ng inyong pangarap sa Estados Unidos.

