MTRCB

Sotto: Streaming platforms isailalim sa MTRCB

85 Views

ISINUSULONG ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III na isailalim sa kapangyarihan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga subscription-based na online streaming platform. Iginiit niyang hindi ito maituturing na censorship.

Ayon kay Sotto, sa ngayon ay walang legal na kapangyarihan ang MTRCB sa mga subscription video-on-demand service, o mga platform kung saan nagbabayad ang manonood para makapanood ng mga palabas at pelikula online. Kaya aniya, kailangang bigyan ito ng Kongreso ng kapangyarihang kumilos.

Inilatag niya ito sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong Miyerkules, kung saan tinalakay ang kanyang Senate Bill No. 445.

Layon ng panukala ni Sotto na palakasin ang mandato at istruktura ng MTRCB, kabilang ang kapangyarihang mag-classify ng mga pelikula, programa sa telebisyon at online streaming content, at magpatupad ng age-based ratings. May itinatakda rin itong parusa sa mga lalabag, kabilang ang multa at pagkakakulong.

Ipinunto ni Sotto na kailangang makasabay ng MTRCB sa pagbabago ng media at sa pagdami ng digital content.

Makatutulong din aniya ang mas malakas na mandato para maprotektahan ang publiko, lalo na ang mga menor de edad, laban sa mapanganib at hindi angkop na content.

Itinatag ang MTRCB noong 1985 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1986. Sinusuri at inuuri nito ang mga pelikula, programa sa telebisyon at publicity materials.

Kasama rin sa agenda ng pagdinig ang Senate Bill No. 878 ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada. Papayagan nito ang MTRCB na panatilihin ang kalahati ng kita nito para sa maintenance at operating expenses, hindi kasama ang suweldo at allowances.

Si Senador Robinhood Padilla ang chairman ng public information committee, na nagsagawa ng pagdinig kasama ang mga komite sa Finance, Ways and Means, Culture and the Arts, at Tourism.

Noong Setyembre, sinabi umano ng MTRCB chairperson na si Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio, anak ng senador, na handa ang ahensiya kung palalawakin ng Kongreso ang mandato nito.

Iginiit din umano niyang regulasyon, at hindi pagbabawal, ang layunin ng MTRCB. Hindi na rin umano kailangang dumaan sa prior review ang mga palabas sa streaming.

Nakabinbin pa sa antas ng komite ang mga panukala.