Calendar
Desisyon ng SC binigyang diin hangganan ng Kongreso sa pondo
IPINUNTO ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson na binigyang-diin ng desisyon ng Korte Suprema ang hangganang itinakda ng Konstitusyon sa kapangyarihan ng Kongreso na baguhin ang panukalang badyet ng Pangulo, habang sinusuri ng Senado ang bersyon ng Kamara ng 2027 budget.
Tinatawag na National Expenditure Program (NEP) ang panukalang badyet na isinusumite ng Pangulo sa Kongreso.
Sa 121-pahinang desisyon, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng 2024 at 2025 budget, gayundin ang ilang unprogrammed appropriations sa 2026 budget. Ito ang mga nakaabang na pondong nailalabas lamang kapag may dagdag na kita o mapagkukunan ng pondo ang pamahalaan.
Ayon sa Korte, nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Kongreso nang palakihin nito ang unprogrammed appropriations mula P281.9 bilyon na inirekomenda ng Ehekutibo sa NEP tungo sa P731.4 bilyon sa pinagtibay na 2024 budget. Katumbas ito ng dagdag na P449.5 bilyon.
Iginiit ng Korte na ipinagbabawal ng Konstitusyon sa Kongreso na dagdagan ang kabuuang pondong inirekomenda ng Pangulo sa Budget of Expenditures and Sources of Financing. Sakop nito ang programmed at unprogrammed appropriations.
Tungkol sa posibleng epekto ng desisyon, sinabi ni Lacson: “That being said, as far as I know, the possible consequences are – those that remain unspent may not be disbursed anymore; those already spent may not be invalidated.”
“One good thing about the Supreme Court ruling is its timing. It couldn’t have come at a better time when the House version of the 2027 General Appropriations Bill is undergoing scrutiny by the Senate,” aniya.
“I wish to emphasize that I was not part of the Senate when the 2024 and 2025 GAA’s were passed by Congress,” dagdag ni Lacson. Ang GAA o General Appropriations Act ay ang batas na naglalaman ng pinagtibay na pambansang badyet.
“The 2024 and 2025 GAAs will go down in history as the worst budgets ever passed by Congress after the Disbursement Acceleration Program (DAP) under the 2013 GAA was also declared unconstitutional by the SC,” wika pa niya.
Binanggit din ng senador na maaaring ibalik ng Senado ang “hundreds of billions” na pisong binawas o inilipat ng Kamara, kabilang ang mga pagbabago sa pondo ng Foreign-Assisted Projects (FAPs), o mga proyektong pinopondohan ng utang o grant mula sa ibang bansa, at ang karagdagang pondo para sa flood control projects.
