Calendar
INFLUENZA-LIKE ILLNESS SA QC UMABOT NA SA 1,612; 947 KASO EDAD 14 PABABA
UMABOT sa 1,612 ang naitalang kaso ng influenza-like illness (ILI) sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Oktubre 20, kung saan 59 porsiyento o 947 sa mga tinamaan ay mga batang edad 14 pababa.
Batay sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), sumunod sa bilang ng mga bata ang 241 kaso o 15 porsiyento sa mga edad 15 hanggang 24.
Sa kabuuang bilang, 849 o 53 porsiyento ang mga lalaki, habang 756 o 47 porsiyento naman ang mga babae.
Pinayuhan ng QCESD ang mga magulang na dalhin agad sa pinakamalapit na health center ang mga batang nakararanas ng sintomas upang masuri at mabigyan ng angkop na pangangalaga.
Pinayuhan din ang mga nakatatanda at mga taong mahina ang resistensya na magpakonsulta, lalo na kung lumalala o hindi nawawala ang mga sintomas.
Kabilang sa mga ipinayo upang maiwasan ang pagkalat ng sakit ang regular na paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing, pagsusuot ng mask kapag may sintomas ng sakit sa paghinga, at pananatili sa bahay habang may sakit.
Hinimok din ang publiko na kumpletuhin ang mga bakuna, kabilang ang bakuna kontra trangkaso kung kinakailangan.
