Calendar
Menor de edad ‘hinalay’ ng kapitbahay, suspek tiklo
TIMBOG sa isang bus terminal sa Calamba, Laguna ang 21-anyos na lalaki na nahaharap sa kasong statutory rape sa Quezon City matapos umanong gahasain ang menor de edad niyang kapitbahay.
Dinakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Special Operations Unit (QCPD-SOU) ang suspek nitong Martes ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 102.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Ayon kay Police Maj. Jomar Ermino, officer-in-charge ng QCPD-SOU, magulang ng menor de edad ang naghain ng reklamo laban sa lalaki.
Matapos ang insidente, nagtago umano ang suspek sa mga kaanak sa Bulacan bago nagtangkang tumakas patungong Eastern Visayas.
Nabatid ng mga pulis na sasakay ito ng bus patungong Leyte. Sa tulong ng bus company, natukoy na sakay ang lalaki sa isang bus na patungong Samar.
Nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa driver upang huminto sa Turbina, Calamba, kung saan nila nadakip ang suspek.
Ayon sa pulisya, sinabi ng lalaki na nagkakilala sila ng biktima noong Agosto ng nakaraang taon, nang bagong lipat ito sa kanilang lugar.
Nang tanungin tungkol sa paratang, sinabi ng suspek na sa korte na lamang niya patutunayan ang kanyang panig.
Nananatili siya sa kustodiya ng QCPD sa Camp Karingal habang hinihintay ang commitment order ng korte.

