Calendar
8 suspek sa pagdedo sa bgy kapitan kinasuhan ng murder ng Batangas PPO

KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas— KINASUHAN na ng murder ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang walong katao na pinaniniwalaang nasa likod ng brutal na pagpatay kay Barangay Chairman Dennis Tenorio Austria ng Brgy. Sta. Anastacia, Sto. Tomas City.
Inihain ng pulisya sa pamumuno ni PCol. Oliver Ebora ang reklamong paglabag sa Article 248 ng Revised Penal Code sa Tanggapan ng Piskal ng Sto. Tomas City nitong Oktubre 21.
Kabilang sa mga kinasuhan sina alyas Ben, Arnold, Bernard, Joey, Kevin, Kepoy, Kuya Fernan, at 1st kaugnay ng pamamaril noong Oktubre 15.
Nasa kulungan na si alyas Ben matapos maaresto ng pinagsamang puwersa ng pulisya sa Brgy. Balagtasin, San Jose, Batangas noong Oktubre 20.
Ayon sa imbestigasyon, si Ben ang drayber ng motorsiklong ginamit sa pagtakas.
Kitang-kita sa CCTV na lumipat pa ito sa isang Toyota Vios pagkatapos ng pamamaril na umano’y nakarehistro rin sa mismong pangalan nito at agad na nasamsam ng mga awtoridad.
Pinaghahanap at tinutugis ng mga awtoridad ang pitong iba pang kasabwat na mabilis na nakatakas matapos ang krimen.
Tiniyak ni Ebora na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang katarungan para sa pamilya ng pumaslang na kapitan.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na agad makipag-ugnayan sa pulisya kung mayroong impormasyon sa kinaroroonan ng mga tumatakas na suspek.

