Droga

NCRPO: DROGA ITINATAGO SA MGA PAMASKONG PADALA

Edd Reyes Oct 23, 2026
52 Views

PINAIGTING ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga hakbang upang matukoy at mapigilan ang mga sindikato ng ilegal na droga na nagkukubli sa mga karaniwang padala.

Iniutos kaagad ni NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano sa lahat ng kapulisan sa Metro Manila na tuklasin ang mga bagong paraan ng pagtatago ng ilegal na droga at pigilan ang mga sindikato na samantalahin ang dagsa ng mga padala ngayong kapaskuhan.

Kasunod ito ng pagkakaaresto sa isang 18-anyos na suspek sa Makati City, kung saan natagpuan ang mga ilegal na droga na nakatago sa isang paper bag na may nakasulat na “Happy Birthday,” upang magmukhang isang regalo sa kaarawan.

Inatasan din ni BGen. Abrahano ang mga intelligence unit, mga operatiba, at mga hepe ng himpilan ng pulisya na paigtingin ang pagsubaybay sa mga hinihinalang network ng pamamahagi ng droga at iangkop ang kanilang mga operasyon sa nagbabagong pamamaraan ng mga ito.

Kailangan aniya na maging mapagmatyag sa posibleng pagsasamantala sa pagdami ng mga parcel, regalo, online purchase, at delivery ngayong kapaskuhan, kabilang dito ang posibleng paggamit ng mga kahon ng regalo, lalagyan ng pagkain, pampasaherong sasakyan, courier, at mga transaksiyong online sa pamamahagi ng ilegal na droga.

Binigyang-diin ng heneral na kailangang kumilos ang pulisya batay sa impormasyong dumaan sa beripikasyon, makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya at service provider kung kinakailangan, at tiyaking naaayon sa batas ang lahat ng inspeksiyon at pagpapatupad ng mga operasyon.

Magugunita na sa nakalipas na mga linggo, nagsagawa ang NCRPO ng 216 na operasyon laban sa ilegal na droga sa buong Metro Manila na nagresulta sa pagkakaaresto sa 270 hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at pagkakasamsam ng mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱7,834,443..