Isabela SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP

Suspek sa KFR, illegal detention nasukol sa Isabela

43 Views

ARESTADO sa Santa Maria, Isabela, ang isang 26-anyos na lalaki na kabilang sa listahan ng most wanted ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention nitong Oktubre 20, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jonie,” na nasa ika-6 na puwesto sa listahan ng mga pinaghahanap ng Anti-Kidnapping Group (AKG). Iniuugnay siya sa umano’y pagdukot sa dalawang Chinese national at nahaharap sa mabibigat na kasong may kinalaman sa pagkidnap at ilegal na pagkulong.

Hinuli si Jonie ng mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station sa pakikipagtulungan ng AKG-Luzon Field Unit. Ipinatupad ang pag-aresto alinsunod sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 266 sa Taguig City. Nakasaad sa warrant na walang inirekomendang piyansa para sa suspek.

Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy na tutugunan ng pulisya ang mga impormasyong makatutulong sa paghahanap sa mga pugante na nahaharap sa seryosong kasong kriminal upang maiharap sila sa mga kinauukulang hukuman.

Binigyang-diin din ni Nartatez na hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga kasong kidnapping at kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga biktima habang isinasagawa ang proseso ng batas. Ang operasyon ay bahagi ng Enhanced Managing Police Operations sa ilalim ng PNP Focused Agenda, na naglalayong palakasin ang mga hakbang laban sa mabibigat na krimen at mapanatili ang seguridad ng mga komunidad.