Calendar
49 OFWs inavail voluntary repatriation, nasa Pinas na
NAKABALIK na sa Pilipinas noong Oktubre 23 ang 49 overseas Filipino workers (OFWs) mula Saudi Arabia na nag-avail ng voluntary repatriation dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Nakauwi ang 49 sa tulong ng Department of Migrant Workers (DMW) lulan ng Gulf Air sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Sinalubong sila ng DMW personnel at ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan.
Nagtulungan sa repatriation ang DMW, OWWA, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Embassy sa Saudi Arabia at Migrant Workers Office-Riyadh.
Nakaantabay din ang MIAA Medical Team upang magbigay ng libreng health check-up sa mga umuwing OFW.
“Mula sa ating Pangulo na kailangan proteksyonan ang mga OFWs, pang anim na kayong batch na tinulungan makauwi. Nagpapasalamat tayo sa Diyos at safe kayo na nakarating sa Pilipinas,” ayon kay Caunan.
Naghanda rin ang DMW at OWWA ng tulong pinansyal, psychosocial counseling at transportation assistance upang makauwi ang mga OFW sa kani-kanilang probinsiya.
May nakalaan ding reintegration at livelihood assistance para sa 49 OFWs.
