Calendar
South Korean hinuli dahil sa iligal na online gambling
INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) noong Oktubre 13 ang South Korean national dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na online gambling na gumagamit ng hindi awtorisadong game servers na pinatatakbo mula sa Pilipinas.
Kinilala ni BI Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy ang South Korean na si Lee Seunghyun, 41, na naaresto sa Brgy. Western Bicutan, Taguig City.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng kahilingan ng pamahalaan ng South Korea na ipa-deport si Lee upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa Korea.
Nagpalabas ang Busan District Court ng warrant of arrest laban kay Lee matapos siyang kasuhan ng paglabag sa Game Industry Promotion Act ng South Korea.
Ayon sa mga awtoridad ng South Korea, simula pa noong Enero 2019 ay minanipula umano ni Lee at ng kanyang mga kasamahan ang isang interface adapter upang magpatakbo ng tatlong hindi awtorisadong pribadong online game servers sa Angeles City, Pampanga.
Pinaniniwalaang kumita ang grupo ng iligal na kita sa pamamagitan ng pangongolekta ng bayad mula sa mga gumagamit kapalit ng “Adena,” ang virtual currency ng laro, na naging daan upang maisagawa ang mga hindi awtorisadong transaksyong pinansyal.
Dumating si Lee sa Pilipinas noong Hulyo 26, 2018 at nanatili na siya sa bansa mula noon, dahilan upang siya ay maituring na isang overstaying alien. Nasa blacklist ng BI ng pugante mula pa noong Agosto 2019 dahil sa pagiging fugitive from justice.
Kasalukuyang nakadetine si Lee sa pasilidad ng BI sa Taguig City habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng kanyang deportation proceedings.
“Hindi magiging ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga pugante. Ang mga taong hinahanap dahil sa mga kasong kriminal sa ibang bansa ay hindi maaaring gamitin ang ating bansa bilang taguan upang makaiwas sa pananagutan,” sabi ni BI chief Joel Anthony Viado.

