Isko

Hopia Day kasabay ng b-day ni Yorme Isko sa Binondo dinagsa

Edd Reyes Oct 25, 2026
29 Views

Isko1DINUMOG ang maghapong selebrasyon ng Hopia Day na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 24 kada taon alinsunod sa umiiral na City Ordinance No. 9141 noong araw ng Sabado sa Plaza San Lorenzo Ruiz sa Binondo, Manila.

Lalu pang nagningning ang selebrasyon nang bumisita si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa naturang lugar dakong hapon upang makiisa sa pagdiriwang na kasabay ng kanyang ika-52-taong kaarawan, kasama sina Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) President Victor T. Lim at Chinatown Development Authority Chairman Tony Sy.

Ang selebrasyon ng Hopia Day ay pagpapakita ng pagkakaibigan at ugnayan ng kulturang Filipino at Tsino at pagkilala na rin sa Binondo bilang lugar na pinagmulan ng industriya ng hopi mula pa noong taong 1912.

Lumahok sa naturang selebrasyon ang mga bantog na gumagawa ng hopia na pinangunahan ng Eng Bee Tin Chinse Deli, Polland Hopia, Ho Land Hopia, Baker’s Fair, Kim Chong Tin Hopia Factory, at Liberty Food Mart, pati na rin ang mga gumagawa ng mga produktong pagkaing gawa sa iba’t-ibang gulay.

Ipinasa ang naturang ordinansa na layong maitaguyod ang lokal na industriya ng hopia at iba pang pagkaing masustansiya sa kalusugan, at pagpapaalala na rin sa mga Manilenyo na panatilihing magsilbi itong ilaw ng pagkakaisa at kultura sa Lungsod ng Maynila.

Sumama rin kay Mayor Isko Moreno sa pagbisita sa Binondo ang mga Konsehal na sina Joaquin Domagoso, Jeff Lau, Tol Zarcal, Karen Alibarbar, Maile Atienza at Juliana “Yanyan” Ibay, gayundin ang mga direktor mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.