Along

Tala, Bagbaguin Cemetery ininspeksyon ni Malapitan

Edd Reyes Oct 26, 2026
26 Views

PERSONAL na nagtungo si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Tala at Bagbaguin cemeteries kasama ang ilang pinuno at kinatawan ng mga tanggapan sa city hall, upang magsagawa ng inspeksiyon para sa paghahanda sa nalalapit na paggunita ng Undas.

Kabilang sa mga siniyasat nina Mayor Along ang pag-aaspalto ng mga daanan sa loob ng sementeryo, gayundin ang pagtatabas sa mga sanga at damo na maaaring makasagabal at magdulot ng panganib sa mga dadalaw.

Ayon kay Melbar Reed Lazaro, Officer-in-Charge ng Cemetery Services Administration ng Caloocan City Health Department, walang patid ang paglilinis at pagpipinta sa sementeryo habang patuloy ang pag-aaspalto sa mga daanan mula Gate 3 malapit sa Apartment Area at Gate 7 hanggang Gate 9.

Kabilang sa mga isinusulong na bagong sistema ng Tala Cemetery ang paggamit ng Gate 1, 2, at 3 bilang pasukan at labasan ng mga bibisita, kasabay ng pag iinspeksyon ng kanilang mga bitbit na gamit.

Nag-abiso na rin ang City Health Department na hanggang Oktubre 28 ang huling araw ng pagpapalibing, habang ang paglilinis sa mga puntod ay hanggang Oktubre 29 na lamang.

Tinatayang 150,000 hanggang 200,000 ang inaasahang dadagsang bisita sa Tala Cemetery habang nasa 50,000 hanggang 60,000 naman ang inaasahang magpupunta sa Bagbaguin Cemetery.

“Ang pakiusap ko po sa lahat ng bibisita sa mga sementeryo sa Caloocan, makiisa po tayo sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan, sundin ang gabay sa Undas na ilalabas ng ating lokal na pamahalaan. Igalang po natin sa lahat ng oras ang himlayan ng mga namayapa,” ani Mayor Along.