Calendar
Amang rider, 11-buwang sanggol nadaganan ng dump truck, tigok


PATAY ang isang 42-anyos na rider at ang kanyang 11-buwang gulang na sanggol, habang sugatan ang kanyang kinakasama matapos madaganan ng tumagilid na dump truck ang kanilang motorsiklo sa Congressional Avenue, Barangay Culiat, Quezon City, madaling-araw nitong Martes, Oktubre 27.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente habang binabagtas ng motorsiklo at Isuzu dump truck na may kargang buhangin ang Congressional Avenue patungong Luzon Avenue.
Umano’y nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng truck na kinilalang si alyas “Randel,” 29, dahilan upang tumagilid ang mabigat na sasakyan at madaganan ang motorsiklong nasa tabi nito.
Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ang rider, ang kanyang kinakasama at ang kanilang sanggol. Gayunman, idineklarang patay ang ama at ang sanggol, habang nilapatan ng lunas ang babae.
Nagdulot din ng matinding pagsisikip ng trapiko sa lugar ang insidente matapos kumalat sa kalsada ang buhangin mula sa truck at tumagas ang langis nito.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Posibleng sampahan ang driver ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries and Damage to Property, depende sa resulta ng imbestigasyon at pagsusuri ng mga awtoridad.
Muling pinaalalahanan ng QCPD ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan at mahigpit na sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang mga kahalintulad na trahedya.

