Calendar
Babae naaktuhang kable ng kuryente pinuputol, nasukol
ARESTADO ang isang 23-anyos na babae matapos maaktuhang pinuputol umano ang mga kable ng ilaw na pag-aari ng gobyerno sa ilalim ng Bridgetowne Flyover sa Quezon City, madaling-araw noong Lunes, Oktubre 26.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nagsasagawa ng police visibility patrol ang mga tauhan ng Eastwood Police Station (PS 12), sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Mark Ronan Balmaceda, sa kahabaan ng Eulogio Rodriguez Jr. Avenue sa Barangay Ugong Norte dakong alas-1:30 ng madaling-araw nang makarinig sila ng mga yabag mula sa scaffolding sa ilalim ng flyover.
Nang siyasatin, naaktuhan umano ng mga pulis ang dalawang indibidwal na pumuputol ng mga kable ng ilaw na nakakabit sa istruktura ng flyover.
Nang mapansin ang pagdating ng mga pulis, bumaba ang isa sa mga suspek mula sa scaffolding, kinuha ang bag na naglalaman ng mga natanggal na kable at tumakas.
Hinabol ito ng isang pulis ngunit nakatakas, habang nadakip naman sa lugar ang babae na kinilala sa alyas na “Paula.”
Narekober sa pinangyarihan ang tatlong piraso ng natanggal na kable ng kuryente, isang maliit na utility knife, cutter, Knipex pliers, eco-bag at isang bag na may kulay rosas na hawakan.
Maaaring sampahan ng kasong pagnanakaw ang naarestong suspek, alinsunod sa pagsusuri ng ebidensya at mga umiiral na legal na proseso.
Patuloy naman ang pulisya sa pagtukoy at paghahanap sa nakatakas na lalaking kasabwat nito.
Ayon kay QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo, mahalaga ang pagpapatrulya ng mga pulis upang maiwasan ang krimen at maprotektahan ang mga ari-arian ng publiko.
