Ayuda

Utang ng bansa inaasahang lolobo pa sa 2027

29 Views

NAGBABALA si Senador Panfilo “Ping” Lacson laban sa labis na pag-asa sa mga programang ayuda, o direktang tulong-pinansyal ng gobyerno, habang inaasahang lolobo pa ang utang ng bansa sa 2027.

Tinukoy ni Lacson ang Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Ang MAIFIP ay tulong sa gastos sa pagpapagamot, habang ang AICS ay tulong sa mga taong nasa krisis.

Binanggit niya ang mga salaysay na ginagastos ng ilang benepisyaryo ang perang natatanggap nila sa pamimili at pagsusugal.

Ayon kay Lacson, inaasahang aabot sa P1.695 trilyon ang budget deficit ng bansa sa 2027. Aabot naman sa P21.48 trilyon ang pambansang utang at P3.043 trilyon ang gross borrowings, o kabuuang uutangin ng gobyerno sa susunod na taon.

Dahil dito, nanganganib daw na lalong mabaon sa utang ang bansa.

Binanggit din niya ang planong pagbawas ng Senado ng P2 bilyon sa sarili nitong panukalang 2027 budget bilang halimbawa ng disiplina sa paggastos.

Maaari raw ilipat ang matitipid na pondo sa edukasyon, kalusugan at iba pang produktibong programa na pakikinabangan ng mga Pilipino sa katagalan.

“Kung hindi tayo mag-invest sa productive endeavors walang balik yan. Lubog tayo ng lubog sa utang,” ani Lacson sa mga panayam sa radyo nitong Lunes.