PAGASA: Simula na amihan

22 Views

INANUNSYO ng PAGASA noong Martes na simula na ang northeast monsoon o amihan season sa bansa.

Ayon sa PAGASA, nagsimula na ang amihan matapos lumakas ang high pressure area (HPA) sa silangang Asya na nagdulot ng pag-ihip ng malamig na hanging amihan at pagbaba ng temperatura sa extreme northern Luzon.

Magdadala ang amihan ng mas malamig na temperatura, pagbugso ng malamig na hangin at maalong karagatan sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan.

Maaari ring makaapekto sa lagay ng panahon ang shear line, mga bagyong papasok at intertropical convergence zone (ITCZ) sa panahon ng amihan.

Babantayan ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa, lalo na sa inaasahang paglala ng El Niño bago matapos ang taon.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko at mga kinauukulang tanggapan na subaybayan ang mga abiso at impormasyon hinggil sa panahon at klima.