Calendar
Source: Fire Alert
Pulisya nailigtas lalaki na umakyat sa billboard


NAILIGTAS ng mga awtoridad sa tiyak na kamatayan ang 28-anyos na lalaki na umakyat sa ituktok ng billboard sa MRT EDSA-Taft Avenue Miyerkules ng umaga sa Pasay City.
Dakong alas-6:37 ng umaga nang matanggap ng pulisya ang pag-akyat ng lalaki sa billboard hanggang makarating sa tuktok kayat kaagad silang nagresponde, kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Pinangunahan ni Pasay police chief P/Col. Robert Baesa ang pakikipag-negosasyon sa lalaki na tumagal ng mahigit isang oras bago pumayag na maalalayan ng mga awtoridad para sa ligtas niyang pagbaba.
Nagdulot naman ng napakasikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at Taft Avenue ang pangyayari na tumagal ng.mahigit dalawang oras bago naibalik sa normal ang usad ng mga sasakyan.
Alas-7:45 ng umaga nang dalhin na ng pulisya sa Pasay City General Hospital ang lalaki para sa medical evaluation.
Hindi pa batid ng pulisya kung ano ang nagbunsod sa lalaki para akyatin ang tuktok ng billboard dahil tumanggi pa siyang magsalita.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang mabilis na aksiyon ng pulisya na dahilan ng pagkakaligtas sa kamatayan ng lalaki.

