P134K alak, yosi ninenok sa convenience store; kahera, 3 kasabwat timbog

Edd Reyes Oct 28, 2026
15 Views

TIMBOG ang kahera ng isang bantog na convenience store at tatlong kasabuwat nang matuklasan ang pagkawala ng mga alak at sigarilyo na nagkakahalaga ng P134,744 Martes ng hapon sa Muntinlupa City.

Sa ulat na nakarating kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano, nagreklamo sa pulisya ang may-ari ng sangay ng convenience store noong Martes nang matuklasang may malaking pagkakaiba sa imbentaryo ng paninda, pati na ang pekeng resibo na inisyu ng 37-anyos na kahera.

Nang magsagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng Intelligence Section ng Muntinlupa City Police Station Martes ng hapon, nakita nila ang kahera na papasakay sa kasabuwat na tricycle, bitbit ang ilan pang kahon ng alak at sigarilyo kayat sinakote na nila ang suspek, pati na ang 34-anyos na tricycle driver at 24 anyos na kasama.

Umamin naman ang tricycle driver na nakapag-deliver na sila ng mga nanenok na produkto sa Alabang kaya’t nagtungo kaagad sa sinasabing lugar ang mga pulis at naaresto ang ika-apat na suspek na may edad na 24.

Nabawi ng pulisya ang 15 kahon ng alak at iba’t ibang ream ng sigarilyo, habang ini-impound na rin ang gamit nilang sasakyan sa pagnanakaw.

Mahaharap sa kasong qualified theft ang kahera habang reklamong pagnanakaw ang isasampa rin sa tricycle driver at kasabuwat at reklamong paglabag sa ani-fencing law naman sa 24-anyos na buyer ng produkto.