Calendar
Source: NBI
NBI dinampot bebot sa pagbebenta ng child sex abuse materials
INARESTO ng National Bureau of Investigation-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) ang isang babae noong Oktubre 21 sa Taguig City dahil sa pagtataglay at pagbebenta umano ng materyal na may kaugnayan sa sekswal na pang-aabuso o pagsasamantala sa mga bata (child sexual abuse or exploitation materials o CSAEM).
Ang suspek ang ika-14 suspek na inaresto ng NBI sa taong ito na may kaugnayan sa mga kasong may kinalaman sa CSAEM.
Nagmula ang kaso sa impormasyong ipinasa ng United States Homeland Security Investigations (HSI) sa Manila hinggil sa isang babaeng Pilipino na nagsisilbing tagapamagitan sa pag-aalok at pagbebenta ng mga materyal na CSAEM kapalit ng bayad.
Sa imbestigasyon, natuklasan na ang indibidwal ay iniimbestigahan din ng Royal Canadian Mounted Police, German Federal Criminal Police at United Kingdom National Crime Agency.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng mga dayuhang ahensya, natukoy ng NBI-VAWCD ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal.
Kasunod nito, kumuha ang NBI-VAWCD ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).
Nasamsam ng NBI-VAWCD ang mobile device ng suspek.
Ipinakita ng digital forensic examination na mayroong nakaimbak na ilang materyal na may kaugnayan sa sekswal na pang-aabuso o pagsasamantala sa mga bata sa loob ng kanyang device.
Nagresulta rin ang operasyon sa pagliligtas sa dalawang biktima, habang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng iba pang mga biktima na makikita sa mga nasabing materyal.
Sumailalim ang indibidwal sa inquest proceedings sa Department of Justice, Maynila dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation of Children (CSAEM) Act.”
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ang pag-aresto sa indibidwal ay naghahatid ng mensahe na ang Pilipinas ay hindi ligtas na kanlungan para sa mga naghahangad na kumita mula sa pagsasamantala sa mga bata.

