Paunawa

MTRCB sinimulan inspeksyon sa transport hub para sa Undas

24 Views

BAGO pa man ang dagsa ng pasahero para sa Undas, sinimulan na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang inspeksyon sa mga transport hubs sa iba’t ibang bahagi ng
Kalakhang Maynila upang siguruhin na sumusunod ang mga bus operators sa mga content regulations ng Ahensiya.

Ang mga on-the-spot inspection ay bahagi ng pagsusulong ng age-appropriate at responsableng panonood sa mga public space gaya ng mga bus, kung saan pasahero din ang mga pamilya at ang mga bata.

Ito ay para matiyak na tanging G (General Audience) at PG (Parental Guidance) na sine at TV show lamang ang ipapalabas sa mga transport terminal at public utility vehicle (PUV).

“Hinihikayat namin ang kooperasyon ng mga transport terminals at operations nang masiguro natin na angkop mapanood ng mga batang pasahero ang mga ipapalabas sa mga bus habang sila ay pauwi ng probinsya para sa Undas,” sabi ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto.

Nagtungo ang Legal Affairs Division – Monitoring and Inspection Unit (LAD-MIU) ng MTRCB sa mga transport hub noong Martes, 27 Oktubre 2026. Magpapatuloy ang kanilang pag-inspect hanggang Huwebes, 29 Oktubre 2026.

Kabilang sa inspection at information drive ang mga transport hub sa Muntinlupa City, Las Piñas City, Pasay City, Parañaque City, Quezon City, Taguig City, Manila, Caloocan City, Valenzuela City, at Bocaue, Bulacan.
Sa ilalim ng MTRCB Memorandum Circular (MC) No. 03-2024 o ang “Rules Governing the Public Exhibition of Motion Picture and/or Trailers in Common Carriers and Other Public Places,” ang mga PUV gaya ng jeepney, bus, van, rail transport, taxi, pampasaherong barko, ferry boat at commercial airplane ay maaari lamang magpalabas ng mga pelikula at trailer na may G o PG
classification mula sa Board.

Pinaalalahanan ng MTRCB staff ang mga PUV operator at tsuper na siguruhin na ang content na kanilang ipapalabas sa biyahe ay angkop din para sa mga mas batang pasahero.

Ang G o General Audience ay para sa lahat ng edad. Sa PG o Parental Guidance, kailangang may kasamang magulang o guardian ang batang manonood.