Calendar
Operator ng modern jeep na umusok, nagloko pinagpapaliwanag ng LTFRB
INATASAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng modern jeep na magsumite ng paliwanag kaugnay ng mekanikal na problema ng isang yunit nito habang nasa kalsada.
Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., maglalabas ang ahensya ng show cause order laban sa SPTG Transport Service Cooperative upang ipaliwanag ang lahat ng pangyayaring may kaugnayan sa naturang insidente.
Sa viral na video, makikita ang jeepney na paabante-at-pa-atras sa San Jose del Monte City habang naglalabas ng makapal na puting usok.
“Iniimbestigahan natin kung may mga pasahero sa loob ng sasakyan nang maganap ang insidente,” ani Pua.
Hiniling na ng LTFRB ang maintenance records ng yunit na sangkot sa insidente at susuriin din ang iba pang sasakyang pagmamay-ari ng operator.
Nagpasalamat si Pua sa mga netizen na katuwang ng LTFRB sa pagsusulong ng kaligtasan at disiplina sa kalsada sa pamamagitan ng pag-upload ng mga larawan at video sa social media.
Malaking tulong ang mga ibinabahaging content upang mabantayan ng LTFRB social media team ang mga insidente sa lansangan, na nagbubunga ng mabilis na aksyon mula sa ahensya.
Pinaalalahanan ni Pua ang lahat ng operators ng public utility vehicles (PUVs) na tiyakin ang ligtas at komportableng biyahe ng kanilang mga pasahero.
