Calendar
Nabawi, nakumpiskang sasakyan dapat naitatala ng pulis — Abrahano
PINA-IIMBENTARYO ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano ang lahat ng District Director, Chief of Police at Station Commanders ang mga sasakyang kinumpiska o nabawi sa mga operasyon ng pulisya.
Inilabas ni BGen. Abrahano ang direktiba bunga ng mga ulat na may ilang nabawing sasakyan, kabilang ang mga iniulat na ninakaw, ang umano’y ginagamit ng ilang tauhan ng pulisya para sa pansariling kapakinabangan sa halip na idokumento ito ng maayos.
Binigyang-diin ng NCRPO chief na lahat ng sasakyang nasa kustodiya ng pulisya ay dapat maayos na naitatala, napangangalagaan, at pinangangasiwaan alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Pinabeberipika rin niya sa mga hepe ng mga police unit ang katayuan, lokasyon, at disposisyon ng bawat nakumpiska o nabawing sasakyan na nasa ilalim ng kanilang pananagutan at agad na ireport ang anumang iregularidad o hindi awtorisadong paggamit ng mga ito.
Nagbabala rin siya laban sa mga tauhang maaaring umaabuso sa kanilang posisyon upang magamit sa pansariling kapakinabangan ang mga nakumpiskang sasakyan dahil ang ganitong gawain aniya ay isang seryosong paglabag sa disiplina ng pulisya at sa tiwala ng publiko.
Binigyang-diin ng heneral na tungkulin ng bawat pulis na pangalagaan ang mga ari-ariang ipinagkatiwala sa kanilang kustodiya at hindi ito abusuhin o gamitin para sa pansariling kapakinabangan.
