MPD Pinayuhan ni PMaj.Jake Arcilla ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak matapos maaresto ang suspek sa rape ng menor de edad sa Malate, Manila. JONJON C. REYES

Binata na may mga kasong gahasa sa Sta Ana nasakote sa Malate

Jon-jon Reyes Nov 2, 2026
24 Views

MPD1MPD2KINALAWIT ng mga operatiba ng MPD-DPIOU ang isang 27-anyos na binata dahil sa mga kasong statutory rape at sexual assault sa isang menor de edad matapos maispatan ng mga pulis sa tapat ng Admiral Bay Suite, na matatagpuan sa 2138 Roxas Blvd., Malate, Maynila, Huwebes ng gabi.

Nakilala ang suspek na si alyas “Reymar,” tindero, at residente ng Tenement Bldg., Barangay 901, Punta, Sta. Ana, Maynila.

Ayon sa report ng pulisya, bandang 6:05 nang gabi ng mamataan ng mga operatiba ang akusado na papasok sana sa isang grocery.

Agad nila itong inaresto.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng DPIOU-MPD sa pamumuno ni PCPT.Vincent Paul M. Mercado (Asst. Chief, DPIOU), sa pangangasiwa ni PMaj. Jake S. Arcilla (Chief, DPIOU) at sa gabay ni PCOL. Robert B. Sales (Chief, DID/D2-MPD) katuwang ang mga tauhan mula sa Provincial Intelligence Unit ng Bataan Police Provincial Office at Balanga City Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PLt.Col. Alvin Christopher L. Baybayan, ay nakabatay sa impormasyon (intelligence-driven police operation).

Ang suspek ay nasakote dahil sa umano sa krimeng “statutory rape” na pinaparusahan sa ilalim ng Art. 266-A (1) (D) ng Revised Penal Code (RPC), gaya ng sinusugan ng R.A. 8353, sa ilalim ng Criminal Case (CC) No. R-MNL-26-06334-CR na walang inirerekomendang piyansa, at paglabag sa R.A. 11648 o panggagahasa sa pamamagitan ng sekswal na pag-atake, alinsunod sa ikalawang talata ng Artikulo 266-A ng Revised Penal Code (RPC), gaya ng sinusugan ng R.A. 8353” sa ilalim ng CC No. R-MNL-26-06335-CR na may inirerekomendang piyansa na P200,000.

Ang warrant of arrest laban sa suspek ay inisyu ni Judge Delight Aissa A. Salvador, ng Branch 29 ng Manila Regional Trial Court.

Ayon sa dagdag na impormasyon, ang suspek ay nahaharap din sa kasong panggagahasa sa isang menor de edad noong Agosto. Ito ay itinanggi ng suspek.

Base sa imbestigasyon, nakipag-inuman umano ang biktima sa suspek bago nangyari ang umano’y panggagahasa sa tinutuluyan ng akusado.

Nagbigay ng paalala si Police Major Jake Arcilla sa mga magulang na ingatan at bantayan ang kanilang mga anak at alamin kung saan sila nagpupunta at kung sino ang kanilang nakakasama.

Sinabi rin ni Arcilla sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa kung ano ang tamang gawin upang hindi mapahamak ang mga ito.

Ang naarestong akusado ay mananatiling nakakulong sa MPD Integrated Jail habang naghihintay ng pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.