Calendar
Dating Abucay mayor pumanaw noong Undas
ABUCAY, Bataan–Pumanaw na si Liberato “Pambato” Santiago noong Undas na dating alkalde ng bayang dito, ayon kay Mayor Erik Martel na byenan ng yumao.
Hindi sinabi ni Mayor Martel kung ano ang ikinasawi ng ex-mayor.
Si Mayor Pambato Santiago ay tinawag na “darling of the press” dahil sa galing makisama sa media.
Maraming naipagawang imprastraktura si Mayor Santiago nung kanyang kapanahunan bilang mayor.
Sinabi ni Gov. Joet Garcia na “isang napakalungkot na balita ang pagpanaw ni dating mayor Liberato Santiago.
Hindi lamang siya naging isang mahusay na pinuno, kundi isang tunay na lingkod-bayan at karamay sa ating komunidad.
Ang kanyang kabutihan, katapatan at malasakit na ipinadama ay mananatili sa puso at isipan nating lahat lalo na ng mga taga Abucay na matagal niyang pinaglingkuran.
Taos-puso pong pakikiramay sa mga mahal sa buhay ni Mayor Pambato.
Kasama niyo po ako at ang aking pamilya sa inyong pighati at sa pagdarasal para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa,” ani Gov. Garcia.
Nalungkot din si dating mayor Robin Tagle at sinabing “buong lungkot at taos-pusong pakikiramay sa pamilya, mga kaanak, kaibigan at mga nagmamahal kay Mayor Liberato “Pambato” Santiago Jr., dating punong bayan ng Abucay, Bataan.
Sa mga naulila, dalangin namin ang lakas, katatagan at kapanatagan ng loob sa gitna ng inyong pagdadalamhati.
Maraming salamat po sa inyong naging paglilingkod sa mga Abukeño,” dagdag pa ni Tagle.

