Animal

Kiko: Nasa likod ng itinapong 29 alaga, dapat managot; pet crematorium isasama sa Animal Welfare bill

49 Views

NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa lokal na pamahalaan at sa mga kinauukulang awtoridad na agad imbestigahan at panagutin ang mga nasa likod ng umano’y pagtatapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, ng 29 alagang hayop na binayaran umano ng kanilang mga may-ari para i-cremate.

Kasabay nito, sinabi ng senador na isasama niya sa final version ng Senate Bill No. 2501 o Revised Animal Welfare Act, na kilala rin bilang Dolly’s Act, ang mga pasilidad tulad ng pet crematorium.

“Hindi katanggap-tanggap na pagkakitaan ang pagdadalamhati ng mga pet owner na nagbayad para mabigyan ng maayos at marangal na huling hantungan ang kanilang mga alagang hayop,” ani Pangilinan.

“Kung mapatutunayang niloko sila, dapat managot ang mga nasa likod nito,” dagdag niya.

Ayon sa senador, maaaring lumabag ang umano’y pagtatapon sa mga labi ng hayop sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, gayundin sa mga lokal na ordinansa sa kalinisan at sanitasyon.

Kung pinagbayad naman ang mga may-ari para sa cremation na hindi talaga ginawa, maaaring pumasok ang kasong estafa o panloloko sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, paliwanag ni Pangilinan. Maaari ring managot sa danyos ang mga responsable dahil sa paglabag sa contractual obligations sa ilalim ng Article 1170 ng Civil Code.

“Kailangang mapanagot ang mga responsable batay sa ebidensiya at sa tamang proseso ng batas,” giit niya.

Hiniling din ng senador na tulungan ang mga apektadong pet owner na makapagsampa ng kaukulang reklamo.

Iminumungkahi ng SB 2501 ang pagtatatag ng Animal Welfare Bureau na magtatakda at magpapatupad ng mga pamantayan sa wastong pangangalaga sa mga hayop. Kabilang dito ang sapat na pagkain, tubig at tirahan, access sa serbisyong beterinaryo at proteksyon laban sa pagmamalupit. Hindi pa naisasabatas ang panukala.

Sa kasalukuyan, umiiral ang Animal Welfare Act of 1998 na inamyendahan ng Republic Act No. 10631 para pabigatin ang parusa laban sa pagmamalupit, pagpapabaya at pang-aabuso sa mga hayop.

Ipinasa ito ng 15th Congress at naisabatas noong Oktubre 2013.

Batay sa mga ulat, 26 aso at tatlong pusa ang natagpuang nakasilid sa mga plastic bag sa isang bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper. Natanggap umano ng pulisya ang ulat noong Sabado, Oktubre 31, matapos mapansin ng mga residente ang mabahong amoy sa lugar. Iniuugnay umano ang mga labi sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City, Cavite.

Ipinasara umano ng pamahalaang lungsod ng Bacoor ang pasilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, matapos itong mabigong magpakita ng sapat na dokumento na magpapatunay na naisagawa ang cremation. Iniutos din umano ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa crematorium, kabilang ang posibleng kasong estafa.