Calendar
Gatchalian: Suportahan ang bagong liderato ng BARMM sa ilalim ni Macacua
NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga grupong pulitikal, civil society organizations at lokal na pamahalaan na magkaisa sa likod ng bagong halal na administrasyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para matiyak ang katatagan at inklusibong pag-unlad.
Positibo rin si Gatchalian na patungo na ang BARMM sa pangmatagalang kapayapaan at sa matagal nang inaasam na pag-unlad ng ekonomiya.
“Binabati natin ang mga kababayan natin sa BARMM at si Abdulraof Macacua sa pagkakaluklok nya bilang chief minister ng buong rehiyon. Naniniwala tayong isusulong ng bagong liderato ang good governance at sa tulong ng mga stakeholders, itataguyod nya ang pag-unlad ng ekonomiya at kapakanan ng bawat isa sa rehiyon,” ani Gatchalian.
Kasunod ito ng inaugural session ng mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament, kung saan inihalal si Macacua bilang chief minister o punong ehekutibo ng rehiyon.
“Matagal na inasam ng lahat ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa BARMM at sa buong Mindanao. Kumpiyansa tayong makakamit natin ang pangarap nating mas maunlad na komunidad para sa ating mga kapatid na Muslim at sa buong Mindanao,” dagdag niya.
Batay sa mga ulat, nakakuha si Macacua ng 51 boto laban sa 27 ng dating Chief Minister Murad Ebrahim sa botohan noong Oktubre 30 sa Cotabato City. Si Macacua umano ang kauna-unahang chief minister na pinili ng mga miyembro ng parlamentong inihalal ng taumbayan, kasunod ng unang parliamentary elections sa rehiyon noong Setyembre 14.
Itinalaga umano si Macacua ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang interim chief minister noong Marso 2025. Manunungkulan umano ang 80 miyembro ng parlamento hanggang Hunyo 30, 2031.

