Calendar
Villanueva: Kasuhan ang nasa likod ng itinapong mga alaga, higpitan ang pet crematorium
NANAWAGAN si Senador Joel Villanueva nitong Martes na magsagawa ng masusing imbestigasyon ang iba’t ibang ahensiya at sampahan ng kaso ang mga responsable sa umano’y pagtatapon ng mga patay na alagang hayop sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.
Hinimok din niya ang mga lokal na pamahalaan na repasuhin ang pagbibigay ng permit, inspeksiyon at pagbabantay sa mga pet crematorium.
“Bulakenyos are animal lovers. Ayaw po nating makilala ang Bulacan bilang lugar na nagiging kasabwat sa animal cruelty. We cannot allow such acts to go unpunished,” ani Villanueva.
Iginiit ng senador na hindi dapat ituring na simpleng paglabag sa regulasyon ng negosyo ang insidente.
“The closure of the establishment should not be the end of the matter. Those responsible must answer under the law,” dagdag niya.
Hinikayat ni Villanueva ang mga imbestigador na tukuyin ang may pananagutan sa umano’y panlilinlang sa mga pet owner at sa maling pagtatapon ng mga labi ng hayop, at magsampa ng kaso batay sa ebidensiya.
Nanawagan din siya sa Department of Trade and Industry (DTI) na siyasatin ang posibleng mapanlinlang na gawain sa negosyo at tulungan ang mga apektadong pet owner sa paghahain ng consumer complaint.
Pinasisiyasat din niya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang posibleng paglabag sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act at iba pang batas pangkalikasan.
Batay sa mga ulat, 26 aso at tatlong pusa na dapat sana’y na-cremate ang natagpuang nakasilid sa mga plastic bag sa isang bakanteng lote sa barangay. Natanggap umano ng pulisya ang ulat noong Oktubre 31. Iniuugnay umano ang mga labi sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor, Cavite.
Ipinasara umano ng pamahalaang lungsod ng Bacoor ang pasilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Iniimbestigahan na rin umano ng National Bureau of Investigation (NBI) ang crematorium, kabilang ang posibleng kasong estafa.

