Calendar
Sen. Ronald “Bato” dela Rosa,
Lacson: Due process, ‘di proteksyon kay Bato sa ICC
HINDI panangga sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) ang due process para kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, iginiit ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson noong Martes.
“To me, due process means allowing Sen. dela Rosa to face trial before the ICC rather than risk violence and worse, tragedy,” ani Lacson.
Binigyang-diin ng senador na ang due process, o ang karapatan sa patas na proseso ng batas, ay pangunahing karapatan ng lahat ng tao, kabilang si dela Rosa.
May arrest warrant mula sa ICC, na nakabase sa The Hague, Netherlands, si dela Rosa kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Inilabas umano ang warrant nang kumpidensiyal o under seal noong Nobyembre 6, 2025, kaugnay ng umano’y crimes against humanity, at isinapubliko noong Mayo 11, 2026.
Hindi na dumalo si dela Rosa sa mga sesyon ng Senado mula Nobyembre 2025 matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa warrant.
Sandali siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 at bumoto kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Umalis siya sa Senado matapos ang pamamaril sa loob ng gusali noong gabi ng Mayo 13.
Sinabi umano ni dela Rosa noong Mayo na dapat iharap sa lokal na korte ang anumang lehitimong warrant mula sa ICC.
Patuloy ang manhunt laban kay dela Rosa. Nag-alok ang pamahalaan ng P50 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa kanyang pagkakaaresto, at lumipas na umano ang isang linggong palugit ng PNP para siya sumuko.
