Calendar
Pagkakamali sa coordinates pinalaki lang — Fuentebella
BINIGYANG-DIIN ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella na napalaki lamang ang isyu tungkol sa mga maling coordinates ng ilang Farm-to-Market Road (FMR) projects matapos linawin ng Department of Agriculture (DA) na walo lamang sa kabuuang 1,669 na proyekto ang may pagkakamali sa datos.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Fuentebella na mas mababa sa isang porsiyento ng kabuuang proyekto ang apektado, kaya hindi dapat mabuo sa publiko ang impresyon na mali ang kabuuang programa ng pamahalaan para sa pagtatayo ng mga kalsadang mag-uugnay sa mga sakahan at pamilihan.
“Walo lang pala sa mahigit 1,600. Parang napalaki naman ang isyu. Para bang ang buong budget o coordinates ng Farm-to-Market Road ay mali,” pahayag ni Fuentebella.
Una rito, hiniling ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st District Representative Mark Enverga sa mga opisyal ng DA na ipaliwanag kung saan nagmula ang maling coordinates ng mga nabanggit na proyekto.
Kinumpirma naman ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo na walong proyekto ang may maling coordinates at nilinaw na ang lahat ng 1,669 FMR projects ay nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP) o panukalang pambansang badyet na isinumite ng sangay ehekutibo.
Binigyang-diin ni Manalo na hindi kabilang ang mga ito sa mga proyektong ipinasok lamang sa pamamagitan ng mga susog o insertion sa panukalang badyet ng Kamara.
Ayon sa DA, nagmula ang mga pagkakamali sa encoding at geotagging, kung saan isa o dalawang numero lamang sa coordinates ang maling naipasok.
Unang napansin ng ilang civil society organizations (CSOs), kabilang ang People’s Budget Coalition, BetterGov.ph at BistoProyekto, ang mga pagkakaiba sa coordinates habang tinatalakay sa Senado ang panukalang 2027 budget ng DA.
Dahil dito, iniutos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang masusing pagsusuri sa mga dokumento at proseso ng validation upang maitama ang mga pagkakamali at maiwasang maulit ang mga ito.
Sinabi naman ni Fuentebella na may pagkakataon pang itama ang mga maling coordinates dahil hindi pa tapos ang proseso ng pagtalakay at pag-apruba sa pambansang badyet.
“Sa tingin ko, hindi pa tapos ang proseso ng budget. May Senado pa at mayroon pang bicameral conference committee. Sa palagay ko, maaari pa itong maitama,” ayon pa kay Fuentebella.
Dagdag pa ng kongresista, hindi layunin ng pagdinig na manisi o maghanap ng pagkakamali sa mga ahensiya ng pamahalaan, kundi matiyak na maayos at tama ang pagpapatupad ng mga proyekto.
Hinimok din niya ang DA na pagbutihin ang sistema ng geotagging at validation, lalo na sa mga liblib na lugar na mahina ang signal ng mga mobile network.
Binigyang-diin ni Fuentebella na mahalaga ang mga Farm-to-Market Road sa sektor ng agrikultura dahil nakatutulong ang mga ito na mapababa ang gastos sa transportasyon at mapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mas mabilis na paghahatid ng kanilang mga produkto sa mga pamilihan.
Samantala, nagpasalamat ang mambabatas sa DA dahil sa pag-amin sa mga pagkakamali at pangakong itatama ang mga ito.
Nauna nang sinabi ni Manalo na posibleng hindi maipatupad ang walong apektadong proyekto kapag hindi naitama ang kanilang coordinates bago tuluyang maaprubahan ang badyet.
Ayon naman kay Enverga, sinusuportahan ng komite ang hakbang ng DA na muling suriin ang mga proyekto sa pakikipagtulungan sa mga civil society organizations upang matiyak ang katumpakan ng mga datos at maiwasan ang mga katulad na problema sa hinaharap.
Binigyang-diin sa pagdinig ang kahalagahan ng wastong pagpaplano, pagsusuri at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura upang matiyak na bawat pondong inilaan ng pamahalaan ay tunay na mapakikinabangan ng mga magsasaka at mamamayan.

