Enverga2

Speaker Dy sa Kamara: Suriin gamit ng pondo para sa mga magsasaka, mangingisda na apektado ng El Niño

Mar Rodriguez Nov 4, 2026
32 Views

PERSONAL na iniutos ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa House Committee on Agriculture and Food na masusing siyasatin ang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng El Niño upang matiyak na maayos, malinaw at direktang nakararating sa mga lubhang apektadong magsasaka at mangingisda ang pondong inilaan para sa kanilang ayuda.

Ito ang binigyang-diin ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga nitong Miyerkules sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng komite sa House Resolution No. 967 na inihain ni Rep. Bella Vanessa Suansing.

Layunin ng resolusyon na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa kahandaan ng sektor ng agrikultura sa inaasahang El Niño sa taong 2026–2027, gayundin ang mga kinakailangang hakbang upang mabawasan ang masamang epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Ayon kay Enverga, nagpapakita ang resolusyon ng mga nakababahalang sitwasyon sa sektor ng agrikultura na nangangailangan ng agarang pagsusuri at pagbabantay ng Kongreso.

Binigyang-diin niya na personal na direktiba ni Speaker Dy ang pagsasagawa ng naturang pagdinig upang matiyak na ang mga pondong pampubliko at badyet para sa ayuda ay lubos, malinaw at direktang naipagkakaloob sa mga benepisyaryong higit na nangangailangan.

Kinilala rin ni Enverga ang panukalang ₱61.99-bilyong pinagsama-samang action plan ng Department of Agriculture (DA) upang mabawasan ang epekto ng El Niño.

Gayunman, iginiit nito na tungkulin ng Kongreso na matiyak na hindi lamang mananatili sa plano ang mga programa kundi magdudulot ng aktuwal na proteksiyon at tulong sa mga komunidad.

Tinukoy ni Enverga ang paunang pagpapalabas ng ₱6.2 bilyon sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program na nakalaan para sa subsidiya sa gasolina, pataba at direktang tulong pinansyal.

Ayon sa mambabatas, susuriin ng komite kung gaano kabilis naipamamahagi ang naturang pondo at ang direktang cash assistance sa mahigit 310,000 maliliit na magsasaka at mangingisdang kabilang sa mga target na benepisyaryo.

Mahalaga aniya na matiyak kung talagang nakararating sa mga nararapat na benepisyaryo sa mga rehiyong matinding tinamaan ng tagtuyot ang ipinamahaging tulong.

Susuriin din ng komite ang koordinasyon ng Task Force El Niño sa Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na paghahatid ng direktang ayuda at agarang tulong pinansyal.

Bukod dito, binigyang-pansin ni Enverga ang tinatayang ₱371 milyong kakulangan sa pondo para sa mahahalagang programa laban sa epekto ng El Niño.

Kabilang sa mga proyektong nangangailangan ng pondo ang espesyal na cloud seeding operations at mga hakbang upang makontrol ang pagkalat ng redstriped soft-scale insect na umaatake sa mga taniman ng tubo.

Nais ding malaman ng komite kung paano pupunan ng mga kinauukulang ahensya ang kakulangan sa pondo, mapoprotektahan ang presyo ng mga produktong agrikultural sa antas ng mga magsasaka at mapananatili ang tuloy-tuloy na produksyon ng agrikultura.

Binigyang-diin ni Enverga na hindi na dapat maantala ang pagbibigay ng tulong dahil patuloy na nalalagay sa panganib ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

“Sa bawat araw na naaantala ang tulong, lalong nanganganib ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi nila kayang maghintay sa gitna ng mga proseso at pormalidad ng pamahalaan. Kailangan nila ng agarang aksyon at konkretong tulong,” pahayag ni Enverga.

Sa pamamagitan ng naturang imbestigasyon, nais matiyak ng pamunuan ng Kamara na magiging mabilis, maayos at epektibo ang paggamit ng pondo ng pamahalaan upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura at ang kabuhayan ng milyun-milyong Pilipinong umaasa rito.